AFP Chief, nag-alay ng ‘snappy salute’ sa burol ni dating Pangulong FVR

Pormal na binisita ngayong araw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino ang burol ng namayapang dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Heritage Park sa Taguig City.

Sa pagbisita ni General Centino, nag-alay siya ng ‘snappy salute’ sa harap mismo ng mga labi ni dating Pangulong Ramos bilang pinakamataas na pagkilala at pagrespeto mula sa hanay ng uniformed service.

Ayon kay Centino, si dating Pangulong Ramos ay isang mahusay na lider na tunay na nagsilbi sa mga tao at sa AFP.

Sinabi ni Centino na mag-aalay ang AFP ng full military honors para sa namayapang dating Pangulo sa araw ng libing nito sa Martes sa Libingan ng mga Bayani.

Samantala, kasama ni Centino na bumisita sa burol ni Ramos sila Vice Admiral Adeluis Bordado, Flag Officer in Command ng Philippine Navy.

Higit sa isanglibong mga tropa, lalahok sa military honors ng dating commander-in-chief

Tinatayang aabot sa humigit-kumulang 1,200 mga personnel ng Armed Forces of the Philippines ang makikilahok sa ceremonial rites para sa state funeral ni dating pangulong Fidel V Ramos.

Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, hindi pa kabilang dito ang mga tropa at mga kapulisan na magpapatupad ng seguridad mula sa Heritage Park sa Taguig City bago ihatid si Ramos sa huli nitong hantungan sa Libingan ng mga Bayani.

Kabilang sa mga idaraos na aktibidad para sa full military honors na ipagkakaloob kay FVR ay ang 21-gun salute mula sa lahat ng mga major na kampo ng mga militar, arrival honors, pagsusuot ng ‘Badge of Mourning’ at ang hiwalay na final gun salute.

Ayon kay Trinidad, ito ay bilang pagbibigay nila ng respeto at pagkilkala sa lahat ng mga naiambag sa lipunan at sa bansa ng dati nilang commander-in-chief.

Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy pa rin ang paghahanda ng mga militar para sa programa at mga rites na idaraos nila sa araw ng Martes.

Kahapon, idinaos din ang dry run para rito sa Heritage Park.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.