LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mayroong posibilidad na humuhupa na ang mga abnormalidad sa aktibidad ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PHIVOLCS Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis, sinabi niya na kasunod ito ng kumukonting bilang ng mga naitatalang parameters ng bulkan.
Aniya, sa pinakahuling update, naitala ang 49 lamang na rockfall events, mas mababa kumpara sa mga nauna na umaabot sa mahigit 300; subalit mataas pa rin ang bilang ng volcanic earthquakes na may 47, at isang pyroclastic density current (uson).
Nananatili sa Alert Level 3 status ang bulkan, subalit, ayon kay Alanis, hindi pa maaaring maibaba agad ang alert level dahil mayroon silang mga sinusunod na protocols.
Hindi naman kasi aniya basehan sa pagbaba ng alert levels ang isang araw na pagbaba sa parameters ng bulkan dahil kinakailangan ng mahabang monitoring na umaabot ng dalawang linggo.
Ngayon umano ay hindi pa tiyak ang PHIVOLCS na talagang humuhupa na ito subalit mayroong posibilidad at tiniyak naman ni Alanis na nagpapatuloy ang kanilang assessment sa mga aktibidad nito.