Alagang kalabaw sa Roxas, Isabela, natagpuang wakwak ang katawan

Palaisipan parin sa mga residente ang nangyaring karumal-dumal na pagpatay sa alagang kalabaw sa Purok 1 Brgy. San Luis Roxas, Isabela.

Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Joan Flores, may ari ng naturang kalabaw, dala ng init ng panahon ay pinapastol nila ang kanilang limang taong gulang na alagang kalabaw sa mas malilim na lugar na malapit sa sakahan.

Kampante naman umano ang mister ni Flores na ligtas ang kanilang kalabaw dahil marami umanong nagpapastol ng mga alagang hayop doon.

Nagtaka nalang umano ang mister nito nang balikan niya kinaumagahan ang kanilang alagang kalabaw na wala na umano ito sa naturang lugar.

Kaugnay dito, habang hinahanap ang kanyang kalabaw ay napansin niya ang mga nagkukumpulan na mga tao na malapit sa gilid ng highway malapit sa kung saan niya itinali ang alaga.

Nagulat na lamang umano ang kanyang mister nang makita niya ang alagang kalabaw pala ang kanilang pinagkakaguluhan na wala ang tatlong paa, walang lamang loob, at maraming sugat sa kanyang katawan.

Nakumpirma umano niya ang kanyang alagang hayop dahil sa ulo nito.

Ayon naman kay Flores, wala naman umano silang nakaalitan na posibleng may gawa nito sa kanilang kalabaw.

Usap-usapan din sa kanilang barangay na mayroong grupo ng mga kalalakihan na nangkukursanada sa mga alagang hayop.

Ang alagang kalabaw nila Gng. Flores ay ang isa sa tanging pinanghahawakan nilang makatulong sa kanila sa panghanap-buhay.

Sa ngayon, patuloy parin inaalam ng kapulisan at ng barangay officials sa lugar ang dahilan at sino ang nasa likod ng naturang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *