Albay, isa sa mga napiling tatanggap ng mga pagsasanay sa emergency medical services sa pamamagitan ng US Alpha Aid

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na isa ang lalawigan sa mga napiling provincial governments sa buong bansa na makakatanggap ng tulong pagdating sa pagsasanay sa Emergency Medical Services (EMS) sa pamamagitan ng US Alpha Aid.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay APSEMO Research and Statistics Division Chief at EMS Supervisor, Eugene Escobar, sinabi niyang posibleng makapaglagay ang Alpha Aid ng gusali para sa medical care, maaaring sa pagsasanay o mga kagamitang maaari nilang ibigay sa lalawigan.

Aniya, malaki ang kanilang pasasalamat na napili ang lalawigan bilang benepisyaro ng nasabing proyekto at nakita nila ang ginagawa sa EMS, maging ang mga kagamitan, procedures, standards, at nakita nila na ang ginagawa sa lalawigan ay halos katumbas lamang ng sa ibang bansa.

Natutuwa umano ang Alpha Aid dahil mayroong EMS sa lalawigan, kung kaya’t kagustuhan nilang mas mapalawak at mapalakas pa ito at matulungan sa anumang uri ng paraan upang magkaroon din ng EMS ang iba’t ibang mga bayan at lunsod.

Isang non-profit/non-government na organization ang Alpha Aid na nakabase sa Estados Unidos na umiikot sa iba’t ibang mga lugar o bansa, kung saan kasama rito ang Pilipinas na may layuning makapagbigay ng tulong na maaaring ibigay sa pamamagitan ng EMS.

Samantala, kasama ng Albay sa mga napiling mga lalawigan sa bansa na tutulungan ng Alpha Aid ay ang Rizal, Bulacan at Camarines Sur.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *