Albay, isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng bagyong Paeng

LEGAZPI CITY – Matapos ang pananalasa ng bagyong Paeng sa Bicol Region, isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Albay dahil sa pinsalang dulot ng bagyo.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Dr. Cedric Daep, ang chief ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sinabi nitong napagdesisyunan ng Sangguniang Panlalawigan na magdeklara ng state of calamity upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo sa pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyo.

Nabatid na nasa P22-milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa nasabing lalawigan base sa initial na assessment ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol.

Aniya, nakapag-decamp na rin ang nasa 24,000 pamilya o 81,000 indibidwal na inilikas sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo habang patuloy naman ang pagbibigay ng ayuda ng lokal na gobyerno.

Dagdag pa nito, walang naitalang casualty sa lalawigan dahil maagaang isinagawa ang pre-emptive evacuation sa mga barangay at sa pakikipagtulungan na rin ng mga residente. Nilinaw din ni Daep na ang mga nalunod sa bayan ng Camalig, Polangui at Manito ay hindi maituturing na casualty dahil tapos na ang pananalasa ng bagyo sa lalawigan nang mangyari ang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *