Isiniwalat ni Albay Representative Edcel Lagman na mayroong mga “alien project” na nakalusot sa 2024 National Expenditure Program ng Department of Public Works and Highways.
Sa briefing ng DPWH sa House Appropriations Committee para sa proposed budget na mahigit 822 billion pesos sa susunod na taon, sinabi ni Lagman na ang alien projects ay ipinasok ng ilang indibidwal sa NEP nang hindi dumaan sa validation at scrutiny ng district engineering offices.
Mayroon aniyang sinusunod na ceiling sa pondo ng bawat congressional district para sa infrastructure projects na nakabatay sa pamantayan o standards.
Ngunit sa kaso ng alien projects, lampas umano ito sa ceiling at posible pang masagasaan ang priority projects kaya dapat na mabantayan ng DPWH.
Pagtitiyak naman ni Public Works Secretary Manuel Bonoan, nagkaroon ng full coordination ang ahensya sa mga kongresista para sa alokasyon ng proyekto.
Giit ni Bonoan, ang regional budget proposals ay sinisigurong nakahanay sa core program ng DPWH at ginagawang prayoridad ang local priorities ng mga kinatawan sa Kongreso.
Handa naman ang kalihim na sumailalim sa “errata process” o period of realignment upang linisin ang “alien projects” at bilang preparasyon sa pinal na bersyon ng budget.