Allowance ng mga atleta, hindi sapat para paghandaan ang Olympic – Eumir Marcial

Naglabas ng sentimyento ang Olympic-bound boxer na si Eumir Marcial kaugnay sa pinansyal na suporta na natatanggap ng mga national athletes.

Sa kanyang Facebook post noong Miyerkules, ay sinabi ng boksingero na hindi sapat ang natatanggap niya na monthly allowance para mapaghandaan ang kanyang pagsabak sa 2020 Tokyo Olympics.

Inihayag ni Marcial na kulang ang P43,000 na allowance nito para sa plane tickets, accomodation, pagkain, coaching staff, masseur, supplements at iba pa.

Ipinunto ni Marcial na ang pinanggagastos niya para sa mga nasabing bagay ay galing sa kanyang mga sponsors at sariling bulsa.

Nanawagan naman si Marcial sa mga tao na walang alam sa sports na manahamik na lamang muna.

Anya, hindi dapat umasa ang Pilipinas na magkaka-gold ito sa Olympics dahil sa klase ng suporta at mentality na ibinibigay ng bansa sa mga national athletes nito.

Samantala, ikinagulat naman ng Association of Boxing Alliances of the Philippines ang mga akusasyon ni Marcial na nagkukulang sila sa suporta.

Iginiit ni ABAP secretary general Ed Picson na regular silang nakikipagtawagan kay Eumir, mula noong nasa US pa ito hanggang ngayon na nasa Zamboanga na siya.

Posible anya na nalilito lamang si Marcial sa kanyang papel bilang professional athlete mula sa pagiging national athlete nito.

Sa kabila ng mga saloobin ni Marcial ay positibo pa rin si Picson na sasali ang nasabing boksingero sa iba pang mga kasamahan nito na nagsasanay ngayon sa Thailand para sa Olympics.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *