Ama hinostage ang 3-anyos na anak sa Silang, Cavite, arestado; misis, napagbuhatan din

Kulungan ang bagsak ng isang ama matapos na hinostage ang sariling 3 taong gulang na anak sa inuupahang bahay sa Barangay Bulihan, Silang, Cavite.

Kinilala ng Silang Municipal Police Station ang suspek na si Marianito Deayon, 53 anyos at residente ng nabanggit na barangay.

Ayon sa imbestigasyon, pasado alas-11:00 kahapon ng umaga, Marso 9, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang kanyang misis na si Lorie, 44, na nauwi sa pananakit umano ng mister.

Nagawang makatakas ng misis sa kamay ng mister ngunit naiwan sa bahay ang kanyang 3 taong gulang na anak.

Dito na umano hinostage ng ama ang sariling anak gamit ang kutsilyo.

Agad na humingi ng saklolo ang misis nito sa mga opisyal ng barangay na siya namang humingi ng tulong sa Silang MPS.

Rumeponde ang mismong hepe na si PCapt. Connie Susmerano kasama ang Cavite Provincial Mobile Force-SWAT kung saan isinagawa ang negosasyon.

Tuluyang naaresto ang suspek at nailigtas sa kamay nito ang kanyang sariling anak.

Narekober mula sa suspek ang isang double-blade na kutsilyo at isang gunting.

Itinurn-over na sa Violence Against Women and their Children (VAWC) Desk ang mag-isang biktima kasabay sa ginagawang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *