India— Idinemanda ng kanyang sariling mga magulang ang isang lalaki sa Uttarakhand, India dahil hindi niya ang mga ito mabigyan ng apo.
Batay sa ulat, kasong ‘mental harassment’ ang isinampa ng mag-asawang sina Sanjeev at Sadhana Prasad sakanilang anak na si Sagar Prasad, dahil ayon sa mga ito malaki ang naging epekto sakanilang mental health makaraang hindi sila mabigyan ng apo ng kanilang kaisa-isang anak.
Ayon sa mag-asawa, milyon-milyon ang kanilang ginastos para pag-aralin ang kanilang anak habang ginastusan rin nila ang engrandeng kasal at honeymoon nang ikasal ito noong 2016.
Labis umano nilang ikinadismaya nang malaman na wala pang planong magka-anak sina Sagar at ang napangasawa nitong si Shubahangi, kung kaya’t napilitan silang sampahan ng kaso ang kanilang anak.
Pinagbabayad nila ito ng 25 million rupees bilang danyos perwisyos ngunit ayon sa abogado ng mag-asawa, iuurong ng mga ito ang demanda sakaling magbuntis ang asawa ni Sagrad at magkaanak ang mga ito sa loob ng isang taon.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol