LEGAZPI CITY – Patuloy na nakikipagtulungan ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa Philippine Satellite (PHILSAT) program at Department of Science and Technology (DOST) para wa planong satellite maps sa lalawigan.
Layunin nitong palakasin ang kahandaan ng lalawigan sa pagbabawas sa mga posibleng epekto ng sakuna.
Ang iba’t ibang mga hazard area sa paligid ng Albay ay natukoy na at naka-plot na gamit ang pinakabago at advanced na satellite mapping technology.
Binigyang-diin din ni APSEMO Head Dr. Cedric D. Daep na sa pamamagitan ng paggamit ng satellite technology na ito, makakapagbigay umano ito ng kritikal na spatial data na magbibigay-kapangyarihan sa lalawigan na mapangasiwaan at mapaghandaan ang mga panganib katulad ng mga aktibidad ng bulkan, bagyo, at iba pang natural na kalamidad.
Ipinahayag ng opisyal na ang anumang makukuhang datos mula sa PHILSAT at DOST ay maaaring ibigay sa Albay bago ang panahon ng bagyo at maging pagkatapos ng anumang kalamidad para sa paghahambing at para sa mabilis na physical damage assessment ng lalawigan.