LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ng Albay Public Safety and Emergency Management Office-Traffic Safety Division (APSEMO-TSD) ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng traffic safety code.
Kasunod ito ng 2 araw na Deputation Seminar na pinangasiwaan ng Albay’s Traffic Safety Division na ginanap noong nakaraang linggo sa Albay Astrodome na nakatuon sa Edukasyon, Disiplina, at Kaligtasan (EDK).
Ayon kay APSEMO-TSD acting head Roderick Mendoza, ang nasabing pagsasanay ay mahalaga upang bigyang kakayahan ang mga tauhan ng pagpapatupad ng batas, lalo na ang mga deputized traffic enforcer, at mga stakeholder na ipatupad at pangasiwaan ang mga paglabag sa trapiko at mga aksidente sa kalsada.
Ang naturang pahayag ay dahil sa dumaraming insidente ng mga banggan sa kalsada kung saan kilala bilang pangalawang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo.
Dagdag pa ni Mendoza, ang mga sanhi ng road crash ay ang mga driver at pedestrian na hindi alam kung ano at paano gamitin ang mga kalsada, kaya katuwang umano ng opisina ang Land Transportation Office (LTO) para turuan ang publiko tungkol dito.