Ash fall at uson na ilan sa mga kahaharaping panganib sakaling lumala pa ang sitwasyon ng Bulkang Mayon, binigyang-diin ng APSEMO

LEGAZPI CITY – Inihayag ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na ash fall at pyroclastic density currents o uson ang ilan sa mga posibleng kaharaping panganib sakali mang lumalapa ang sitwasyon ng Bulkang Mayon sa Albay.

Ito ang kinumpirma ni APSEMO Chief Dr. Cedric Daep sa press briefing kahapon sa Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Daep, ito ang dapat na asahan sakaling itaas na sa higher level ang status ng nasabing bulkan.

Aniya, ang ash fall ay nakadepende sa direksyon ng hangin at wind velocity – kung southwest monsoon (habagat), asahan na ito ay tutungo sa direksyong hilagang-silangan kung saan apektado ang Tiwi at Sto. Domingo, subalit ilang porsyon din ang posibleng makaranas nito depende sa taas ng ash fall.

Wala umanong evacuation para sa pagbuga ng abo nito, dahill lahat ay maaaring maapektuhan kaya’t upang maprotektahan ang sarili, gumamit ng basang tela at itakip ito sa ilong at bibig upang hindi ito malanghap sapagkat delikado ito sa katawan ng tao lalung-lalo na ang mga nakakaranas ng respiratory illnesses.

Aniya, kung mas mahina ang buga ng hangin, mas matindi ang bagsak ng mga abo sa mga lugar na malapit sa bulkan.

Kapag nagkaroon naman ng uson, saka sila magpapatupad ng evacuation, dahil ang counter measure umano rito ay ang distansya.

Sa panahong ito, maaari nang iextend ang permanent danger zone sa 7-8 kilometers o mas mataas pa depende sa ipinapakitang aktibidad ng bulkan.

Ayaw umano nilang matulad ang pangyayari noong 1993 eruption na nagkaroon ng uson kung saan sa 114 na mga magsasaka, 74 ang mga namatay.

Maliban dito, kapag nagkaroon ng malakas na pag-ulan kasabay ng uson, o kung umabot ito sa 60 millimeters of rainfall per hour, asahan na ie-extend din umano ang evacuation sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng lahar lalo na sa mga malapit sa river channels ng bulkan.

Ayon kay Daep, napakadelikdo rin ng lahar sapagkat maaari nitong matangay ang mga bahay at kahit mga tulay ay kaya nitong sirain.

Dahil umano sa mga nabanggit na associated hazards ng bulkan, mas pinapaigting nila ang paghahanda at pag-aaral sa posibleng mga epekto ng mga ito.

Pinapayuhan ni Daep ang lahat ng mga residente na maging alerto sa oras na magpatupad na ng mandatory evacuation dahil sa sitwasyon ng bulkan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *