Babae, sugatan sa pananambang sa Bauan, Batangas

Nagpapagaling na ngayon ang isang 38-anyos na babae matapos na tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Manghinao 1, Bauan, Batangas, dakong 11:50 ng umaga noong Lunes, January 30, 2023.

Kinilala ng Bauan Municipal Police Station ang biktima na si Helen Yee y Basillo na residente ng Brgy. Poblacion, San Pascual, Batangas.

Batay sa imbestigasyon, sakay sa kanyang sasakyan ang biktima ng bigla na lamang harangan sa daan ng suspek na sakay sa itim na motorsiklo at pinagbabaril ito ng walong beses.

Sinabi sa Brigada News FM Batangas ni PMaj. Allan De Castro, hepe ng Bauan MPS na tinamaan sa kaliwang braso ang biktima.

Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril habang isinugod sa ospital ang sugatang biktima sa tulong ng mga nagpapatrolyang pulis na nagkataong malapit sa area.

Ayon kay De Castro, nirereview na nila ang kuha ng CCTV na nahagip ang pangyayari para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.

Inaalam na rin ngayon ang motibo ng pamamaslang dahil bago pa man ang pangyayari ay may natanggap umanong pagbabanta ang biktima.

Nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon sa insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *