Arestado ang isang Japanese fugitive sa Bureau of Immigration satellite office sa Taguig City matapos tangkaing palawigin ang kanyang tourist visa.

Sa isang ulat kahapon, kinilala ni BI Alien Control Officer Evita Mercade ang dayuhan na si Terashima Haruna, 27-anyos.
Sinabi ng opisyal na si Haruna ay napag-alamang mayroon nakabinbing deportation case.
Ayon sa BI, may standing warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ang Tokyo Summary Court noong September 2022 sa kasong theft na labag sa Japanese Penal Code.
Kasalukuyan nang nakakulong sa BI warden facility sa Bicutan, Taguig ang Japanese national habang hinihintay ang pagresolba ng kanyang deportation case.//CA