Babaeng nagnakaw umano upang makabayad sa inuupahang bahay, arestado

Arestado ang isang babae na nasangkot umano sa pagnanakaw sa isang carwash station sa Barangay Poblacion South, Solano, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Solano Police Station, kinilala ang naaresto na si alyas Inday, 40-anyos at residente ng Brgy. Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakuha sa CCTV ang pagpasok ng suspek sa main door ng kaniyang ninakawan at kinuha ang shoulder bag sa loob ng cabinet bago ito umalis.

Kinilala naman ng biktima ang suspek dahil lagi umano ito sa kanilang lugar at kilala sa pangalang Inday.

Batay naman sa salaysay ng suspek, pinambayad umano niya sa kaniyang inuupahang bahay ang perang laman ng ninakaw na shoulder bag.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Solano Police Station ang suspek para sa tamang disposisyon at karagdagang dokumentasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *