Bagyong Jolina, napanatili ang lakas habang papalayo sa kalupaan ng Luzon

Napanatili ng Tropical Storm “Jolina” ang lakas nito habang gumagalaw papunta sa hilagang-kanluran na direksyon, na papalayo sa kalupaan ng Luzon.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 145 km kanluran hilagang-kanluran sa Iba, Zambales o 175 km kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kph malapit sa gitna at pagbugso na pumapalo sa 115 kph.

Ayon sa PAGASA, dahil sa bagyong Jolina ay nanatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa western portion ng Pangasinan at northern portion ng Zambales.

Inalis naman ng weather bureau ang wind signal sa iba pang mga lugar.

Sa ngayon ay asahan na ang mahina hanggang sa katamtaman na pag-ulan sa Zambales, Bataan at Pangasinan.

Samantala, asahan naman na maapektuhan ng mga bagyong Jolina at Kiko ang Southwest Moonsoon na dahilan para maranasan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Palawan, Mindoro provinces, Romblon, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Tawi-Tawi, Sulu at Basilan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *