Bakbakan sa pagitan ng militar at npa, muling sumiklab sa Sta. Teresita, Cagayan; matataas na kalibre ng baril narekober

Muling sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga kasundaluhan at sa mga tumakas na mga rebeldeng NPA na una nang nakasagupa ng militar sa Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan kahapon, September 28, 2021.

Magugunitang unang naganap ang labanan ng tropa ng pamahalaan at ng mga naturang armadong grupo noong September 21, 2021 na ikinasawi ng matatas na opisyal ng makakaliwang pangkat.

Ayon sa 5th Infantry Division Philippine Army, habang isinasagawa ang pursuit operations ng kasundaluhan laban sa mga miyembro ng Henry Abraham Command-East Front Committee ay muling sumiklab ang engkwentro na tumagal ng 15 minutes.

Matapos ang bakbakan ay tumakas ang mga rebelde kung saan naiwan sa encounter site ang dalawang M16 rifle, isang M79 rifle, isang flag ng NPA at personal na kagamitan. Nagpapatuloy pa rin ang pagtugis ng tropa ng pamahalaan sa mga natitirang miyembro ng NPA.

Ito rin ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente na nakikipagtulungan sa kasundaluhan upang matukoy ang kinaroroonan ng mga armadong grupo.

Binigyang-diin naman ni MGen Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division na determinado silang puksain ang local communist armed conflict sa kanilang nasasakupan upang maprotektahan ang mga mamamayan.

Ito na ang ikatlong engkwentro ng tropa ng pamahalaan at ayon kay Maj. Jekyll Dulawan tinatayang nasa 20 pa ang natitira miyembro ng Henry Abraham Command-East Front Committee.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *