Kinilala na ng mga magulang ang bangkay ng batang lalaki na natagpuan sa baybayin ng Brgy Talib, Aroroy, Masbate.
Sa ulat ng Aroroy MPS, agad na nakipag-ugnayan sa kanilang himpilan ang mga magulang ng biktima at kinilala itong anak nila na si Kent Lorenz Oliverio, isang taong gulang at residente ng bayan ng Capul, Northern Samar.
Nakilala ito ng mga magulang sa kasuotan na green t-shirt na may naka-imprentang ‘’Little Gentleman.’’
Ayon sa salaysay ng magulang sa mga awtoridad, ang bata ay huling nakitang buhay na naglalaro malapit sa isang sapa sa kanilang lugar at possible umanong tinangay ito ng agos hanggang sa malunod.
Una rito, ang bangkay ng bata ay bumulaga sa mga residente ng Sitio Calumpang, dakong alas 4:00 ng hapon noong Sabado.
Ang bangkay ay agnas na kung kaya’t kinunan na lang ito ng retrato at dokumentasyon ng Pulisya at inilibing sa pampublikong sementeryo.
Sa ngayon ay naiuwi na sa kanilang lugar ang mga labi ng biktima para mabigyan ng maayos na libing.
