Bangkay ng isang lalake natagpuan sa isang kubo sa bayan ng Capalonga

CAMARINES NORTE- Natagpuang wala nang buhay at nasa state of decomposition na ang katawan ng isang lalake sa isang kubo sa Purok 1, Barangay Lukbanan, Capalonga, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Dennis Parale y Erandio 30, binata, magsasaka at residente ng Purok 3, Barangay Ubang sa naturang bayan.

Ayon sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office nakiusap umano ang biktima sa may ari ng lupa na si Jerry San Juego upang makapagtrabaho sa pamamagitan ng pag- uuling.

Makalipas ang dalawang araw ay bumisita ang may ari ng lupa at dito natuklasan ang wala nang buhay na katawan ng biktima na nakahandusay sa isang kubo.

Batay umano sa salaysay ng may ari ng lupa habang siya ay papalapit ay umalingasaw ang masangsang na amoy na nagmumula sa kubo kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.

Agad na ipinaalam sa pamilya ng biktima ang pangyayari habang humiling naman ang pulisya na maisailalim sa Post mortem examination ang katawan nito upang alamin kung mayroong foul play.

Matapos ang eksaminasyon sa bangkay na ginawa ng Municipal Health Office ay agad itong inilibing upang maiwasan ang posibleng kontaminasyon na maaaring pagsimulan pa ng nakahahawang sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *