BICOL— Wala pa ring pagkakakilanlan hanggang sa ngayon ang natagpuang palutang-lutang na bangkay ng isang lalaki sa karagatang sakop ng Brgy. Talisoy sa bayan ng Virac, Catanduanes.
Ayon kay PMaj. Antonio Perez, hepe ng Virac MPS, minadali na ang paglilibing sa natagpuang bangkay dahil nasa “state of decomposition” na umano ito o naagnas na.
Hindi na rin ito naisailalim sa post mortem examination ngunit ayon sa PNP ay kinunan ito ng mga litrato at video bago inilagak sa Virac Public Cemetery sa pagtutulungan ng MDRRMO, RHU at sa koordinasyon na rin ng PDRRMO.
Tantiya ng mga otoridad nasa 30-anyos na ito pataas habang ang hugis puso na tattoo nito ang maaaring makatulong upang mabigyan ng pagkaka kilanlan ang biktima pati na rin ang suot nitong underwear na kulay berde.
Sa ngayon aniya ay hindi pa tiyak ng pulisya kung may foul play sa pagkamatay ng natagpuang bangkay.###