Barangay Bibincahan, may pinakamataas na kaso ng Covid-19 sa Sorsogon

SORSOGON CITY – Nangunguna ang Barangay Bibincahan sa lungsod ng Sorsogon sa may pinakamataas na aktibong kaso ng coronavirus disease sa buong lalawigan.

Sa panayam ng Brigada News FM kay Sorsogon City Health Office Head Dr. Rolando Dealca, sa kasalukuyan pumalo na sa 49 ang bilang ng aktibong kaso sa nasabing barangay.

Pumangalawa naman dito ang Barangay Pangpang sa West District na nakapagtala ng 34 na aktibong kaso na sinundan ng Brgy Cabid-an sa East District na may kasalukuyang 20 kaso ng nasabing virus.

Matatandaan na dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19, lahat ng barangay sa lungsod ay inilagay sa ‘weekend lockdown.’

Sa pamamagitan ng EO No. 36, series of 2021; ipinag-utos ni Mayor Ma. Ester Hamor na ilagay sa weekend lockdown simula Setyembre 13 ang 64 na barangay ng lungsod.

Una nang isinailalim ng DOH sa Alert Level 4 o High Risk category ang buong lalawigan at nadetect na rin ang presensiya ng highly transmissible na Delta variant sa kumunidad.

Maliban pa dito, nakakarehistro ang lungsod ng average 22 kaso ng nasabing sakit araw-araw simula nitong buwan ng Setyembre.

Nakapagtala na rin ng 17 pagkasawi noong buwan ng Agosto kabilang na ang 10 pagkasawi sa unang 13 araw ng buwan ng Setyembre.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *