Barangay Buhatan idineklara na bilang ‘drug cleared barangay’

(Ang Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) nagsagawa ng Online Deliberation and Declaration of Barangays as Drug-Cleared at Confirmation of Unaffected Barangays as Drug-Free noong Hunyo 22, 2021sa Conference Room, PDEA Regional Office V, Camp BGen. Simeon A Ola, Legazpi City, Albay, bilang Host-site at sa Municipal Old Building, Talisay, Sorsogon City, Sorsogon, bilang deliberation site.. (PHOTO: PDEA-Sorsogon)

SORSOGON CITY – Deklarado na bilang drug cleared ang Barangay Buhatan sa Sorsogon City.

Sa pahayag ng Punong Barangay na si Edwin Divina, sinabi nito na kabilang sa kanilang mga naging hakbang upang maideklarang drug cleared barangay ang kanilang lugar ay ang pag-activate at pagpapalakas ng kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at pag-aydentipika sa mga Persons Who Use Drugs (PWUDs) sa kanilang lugar.

Aniya, kanila ding isinailalim ang mga ito sa mga seminars na pinangasiwaan ng City Government.

Patuloy din ang kanilang monitoring sa mga ito gayundin ang pagsasagawa ng mga aktibidad upang maiparamdam sa mga nasabing drug surrenderees na bahagi pa rin sila ng komunidad.

Ang Barangay Drug Clearing Program ay dinisenyo upang magbigay ng isang mas mabisa at mahusay na hakbang patungo sa pag-iwas at pagwasak sa iligal na pag-abuso sa droga batay sa Dangerous Drugs Board Regulations No. 3, Series of 2017 (Strengthening the Implementation of Barangay Drug Clearing Program).

Ayon sa PDEA, bago ideklara na ang isang barangay ay malaya sa mga aktibidad ng iligal na droga, dapat na ipatawag at patunayan ng komite ang hindi pagkakaroon ng supply ng droga sa lugar at kawalan ng aktibidad sa pagbiyahe ng droga, clandestine drug laboratory at warehouse ng kemikal, lugar ng pagtatanim ng marijuana, drug den, mga drug pusher at gumagamit.

Kapag na-clear na, dapat tiyakin na ang mga barangay na walang iligal na droga ay mapanatili ang kanilang katayuan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *