Barangay sa Tampakan SoCot, pinutakte ng sangkaterbang langaw!

KORONADAL CITY — PINUTAKTE ngayon ng sangkaterbang langaw ang isang lugar sa Barangay Maltana sa bayan ng Tampakan, South Cotabato.

Sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal kay Faith Ann Lumbuan, isa sa mga residente ng Purok 6, sinabi nito na hindi na normal ang pagdami ng langaw at malaking perwisyo na ang dala nito sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Nakikisalo na rin umano sa kanilang pagkain ang nasabing mga insekto at pumapasok na rin sa kani-kanilang mga kwarto. Maging ang kanilang mga sahig ay dinadapuan na rin ng napakaraming langaw.

Sinabi ni Lumbuan na inaalala nito ang sitwasyon ng kanyang ina na may sakit at epekto sa kanilang kalusugan ng nasabing mga langaw.

Isinisisi naman nila ito sa malaking poultry farm sa kanilang lugar na nagbibigay naman umano ng pestisidyo ngunit hindi sapat upang mapatay ang nasabing mga insekto.

Ipina-abot na umano nila sa barangay ang nasabing reklamo at naghihintay sila sa ngayon na ma-aksyunan ang kanilang problema.

Leave a Reply

Your email address will not be published.