NAGA CITY—Sugatan ang isang Tanod ng Barangay matapos mahulog sa bangin habang sakay ng minamaneho nitong tricycle sa isang Barangay ng Sagñay, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Jolito Bragais, 55 taong gulang, residente at Tanod ng Barangay Patitinan, Sagñay.
Bandang alas-8:00 ng umaga habang tinatahak nito ang pakurbadang daan ng Barangay Bongalon parehong bayan nang bigla umanong nawalan ng kontrol sa manibela si Bragais dahilan upang bumulusok ito pababa sa halos 30 metrong lalim ng bangin.
Agad namang nasaklolohan ng mga residente at nadala sa ospital ang biktima na nagtamo ng malaking sugat sa ulo.
Ayon sa impormasyon, ito na umano ang pangatlong beses na nahulog sa bangin si Bragais at pag-iisipan na nito kung magmamaneho pa siyang muli ng tricycle.