Wanted ngayon ang isang lalaki na bumaril sa isang 58-anyos na barangay tanod sa Brgy. San Francisco, Mabini, Batangas.
Kinilala ng Mabini Municipal Police Station ang suspek na si Benjamin De Torres habang ang biktima naman ay kinilalang si Mario Banta, na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Brigada Batangas kay Police Major Jobeth De Castro, ang hepe ng Mabinis MPS, habang naka-duty ang biktima ay bigla na lamang siyang nilapitan ng suspek at pinagbabaril sa hindi malamang dahilan.
Napag-alaman na nasa impluwensiya ng alak ang suspek.
Matapos ang isinagawang krimen ay mabilis na tumakas si De torres sakay ng motorsiklo patungong Bauan, Batangas.
Nagtamo naman ng tama ng bala sa tiyan ang biktima na agad isinugod sa pinakamalapit na ospital upang malapatan ng paunang lunas.
Batay naman sa salaysay ng biktima, wala siyang maisip na pupwedeng maging dahilan ng suspek sa pamamaril sa kanya.
Ngunit, noong minsan daw ay sinita ng biktimang tanod ang anak ng suspek na pagala-gala pa kung saan sa dis-oras ng gabi.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad upang maaresto ang naturang suspek.