Basudeñong PBA rising star na si Justin Arana isa sa top Rookies sa pagtatapos ng elimination round ng Philippine Cup

CAMARINES NORTE- Nakasama sa limang top rookies ang tubong Basud, Camarines Norte na si Converge Center/Forward Justin Arana sa pagtatapos ng elimination round ng nagpapatuloy na PBA Philippine Cup.

Pumangalawa  ang Basudeñong basketbolista sa limang top rookies sa likod ni Ato Ular ng Blackwater.

Pasok din sa top five rookies sina JM Calma ng Northport, at teammates nito sa Converge na sina Tyler Tio at Jeo Ambohot.

Pero sa naging panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Arana na wala ito sa isip niya ngayon lalo na ang posibilidad na masungkit ang Rookie of the Year award.

Aniya, ang main goal ng team sa ilalim ni Head Coach Jeff Cariaso ay manalo at bonus na lang ang individual award.

Malaki naman ang pasasalamat ni Arana kay Assistant Coach at dating PBA MVP Rookie of the Year awardee na si Danny Ildefonso na mula sa umpisa ay siya na umanong tumututok sa kaniya.

Hindi lang umano sa loob ng basketball court siya tinutulungan ni Ildefonso kundi maging sa paghawak ng pera at pagpapalago nito.

Mensahe naman ni Arana sa mga kabataang pangarap na makapasok sa PBA na kailangang magtiyaga para sa pag abot ng pangarap.

Hindi raw kasi dumadating na lang ang mga ganitong oportunidad kundi kailangan ding paghirapan.

Si Arana ay umuwi muna ngayon sa kaniyang hometown matapos mabigong makapasok ang kaniyang team sa semis nang talunin ng TNT tropang giga.

Kahapon ay ginawaran ng pagkilala si Arana ng Sangguniang Bayan ng Basud kalakip ang resolusyong kumikilala sa husay ng PBA Rookie at bilang isa umano sa “pride” ng naturang bayan.

Bago nakapasok sa PBA si Arana ay naglaro sa mga local basketball team na inorganisa ng iba’t- ibang barangay, munisipyo at  probinsiya.

Produkto siya ng Special  Program for Sports ng Basud National High School at naging Varsity Player dito.

Napabilang din ito sa team na lumaban sa Bicol Meet at Palarong Pambansa kung saan nakita ng malalaking kolehiyo at unibersidad ang husay nito.

Naglaro si Arana sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) bago na- recruit ng Arellano University para maglaro sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Habang naglalaro sa NCAA ay nasungkit nito ang ilang award tulad ng back to back Defensive Player of the Year, All Defensive Team, Mythical Five at Rookie of the Year Award.

photo: Justin Arana’s FB account

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *