Basudeñong PBA Rookie na si Justin Arana ginawaran ng pagkilala ng LGU Basud

CAMARINES NORTE- Ginawaran ng pagkilala ng Sangguniang Bayan ng Basud si PBA Rookie at Converge Center/Forward Justin Arana sa pagbisita nito sa kaniyang hometown.

Iginawad ni Vice Mayor Ramir Barrameda kasama ang mga miyembro ng SB ang Certificate of Appreciation kalakip ng resolusyon ng pagkilala dahil sa karangalang hatid nito sa Basud.

Bago nakapasok sa PBA si Justin  Arana ay naglaro  sa mga local basketball team na inorganisa ng iba’t- ibang barangay, munisipyo at  probinsiya.

Produkto siya ng Special  Program for Sports ng Basud National High School at naging Varsity Player dito.

Napabilang din ito sa team na lumaban sa Bicol Meet at Palarong Pambansa kung saan nakita ng malalaking kolehiyo at unibersidad ang husay nito.

Bago nakapasok sa PBA sa pinakahuling Rookie draft ay naglaro si Arana sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) bago na- recruit ng Arellano University para maglaro sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Habang naglalaro sa NCAA ay nasungkit nito ang ilang award tulad ng back to back Defensive Player of the Year, All Defensive Team, Mythical Five at Rookie of the Year Award.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Arana sinabi nitong hindi naging madali ang pagkakapasok niya sa PBA dahil ito raw ay kaniya talagang pinagsikapan at pinagtrabahuhan.

Aminado rin itong hirap siyang bantayan ang mga magagaling na bigman ngayon sa PBA tulad na lamang nina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Beu Belga at iba pa.

“Siyempre sobrang hirap pero kailangan mo lang talagang maging ready and siyempre yun, kailangan po talaga ready yung mentally and physically mo kasi dun nga eh sobrang skill na nang mga kalaro mo sa pro, so kailangan mo lagi extra work talaga.” Ani Arana.

Malaki rin ang pasalamat ni Arana kay Converge Assistant Coach at dating PBA MVP na si Danny Ildefonso dahil simula’t simula ay ito raw talaga ang tumutok sa kaniya.

Mensahe nito sa mga kabataan lalo na sa mga taga Basud na nangangarap ding pumasok sa PBA balang araw , “Siguro ano lang sipag at tiyaga lang kasi nga hindi naman lahat nabgibigyan ng chance so kailangan mo talagang ano, and yung kung ano man yung nakuha ko ngayon hindi naman dumating lang sa akin eh pinaghirapan ko talaga so yun talaga kailangan mo maging masipag matiyaga saka siyempre kailangan disiplinado sa katawan mo.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *