Batanes PDRRMC, nakaantabay sa bagyong Fabian; signal no 1, nakataas sa lalawigan

Patuloy na nakaantabay ang pamunuan ng Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council matapos maisailalim sa tropical cyclone wind signal number 1 ang probinsya dahil sa bagyong Fabian.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PDRRMO Roldan Esdicul, sinabi niya na sa ngayon ay wala pa namang nararanasang malalakas na pagbuhos ng ulan o hangin gayunman ay makulimlim ang kanilang kalangitan at malakas ang alon ng kanilang karagatan dulot ng hanging habagat na pinalala ng bagyo.

Bilang paghahanda aniya, noon pang Martes ay ipinagbawal na nila ang pagbiyahe ng mga bangka at ipinatupad na ang No Sailing Policy sa mga mangingisda.

Naka-preposition na rin aniya ang mga goods na handang ipamahagi sa mga maapektuhang mga residente maging ang kanilang mga heavy equipment sakaling magkaroon ng landslide.

Pangunahing maapektuhan aniya ang mga pananim na gulay ng mga residente malapit sa dagat dahil sa sea breeze kaya umaasa ito na bubuhos ang ulan para mahugasan ang mga pananim.

Ayon pa kay PDRRMO Esdicul, inaasahan na hanggang sa araw ng Sabado ang nararanasan nilang epekto ng hanging habagat at wala rin naman aniyang posibilidad na tumama sa kalupaan ang bagyong Fabian.

Pinaalalahanan naman niya ang mga kababayan na manatiling nakaantabay sa mga impormasyon at paabiso ng kanilang tanggapan para sa kaligtasan ng lahat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *