Batangas beach resorts, ligtas vs oil spill ngayong Semana Santa  

Ligtas at walang dapat na ipangamba ang mga turistang bibisita sa mga beach resorts ng Batangas ngayong nalalapit na long vacation o Semana Santa.

Ito ay tiniyak ng PGENRO ng Batangas at Batangas Vice Governor Mark Leviste at Board Member Wilson Rivera kasunod sa isinagawang aerial inspection sa mga coastal areas ng Batangas kahapon kasama ang mga miyembro ng media.

Sa isinagawang inspection sa tulong ng Philippine Air Force ay nakitang malinis at walang oil spill traces sa ngayon ang mga coastal areas at karagatan ng lalawigan.

Sakay sa S-70i Black Hawk multirole combat helicopter ng Philippine Air Force ay inikot ang mga coastal areas ng Isla Verde, Marikaban Island, Tingloy, Bonito Island at ilang bahagi ng Verde Island Passage.

Dito ay walang nakitang anumang traces ng oil spill sa nabanggit na mga coastal areas sa ngayon.

Dahil dito sa kabuuan ay maituturing umanong malinis sa ngayon ang karagatan ng Batangas.

Lumabas din sa water test ng PGENRO at DENR na malinis at walang kontaminasyon ng langis ang mga water sample na kinuha sa mga apektadong barangay ng Isla Verde at Tingloy.

Sa kabila nito ay tiniyak ng provincial government na magtutuloy-tuloy ang kanilang monitoring sa Batangas waters laban pa rin sa banta ng oil spill.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *