Masayang ibinahagi ng Batangas Confederation of Jeepney Drivers and Operators Association na nakatanggap na ang karamihan sa mga tsuper ng tradisyunal na jeepney sa Batangas ng fuel subsidy.
Sa muling pakikipag-usap ng Brigada Batangas kay Romeo Macailao, ang presidente ng grupo, karamihan daw sa mga nakatanggap ay ang mga may hawak ng Pantawid Pasada Card.
Para naman daw sa mga tsuper na nag-modernize na ng kanilang jeep, wala pa ang mga itong natatangggap na ayuda dahil may mga dokumento pang kailangang ayusin ang kanilang kooperatiba.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Macailao na ang P6,500 na natanggap ng mga tsuper, totoong hindi sapat para matugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Kasunod kasi ng pamamahagi ng fuel subsidy, isa na namang round ng oil price hike ang ipatutuupad sa susunod na linggo kung saan nagbabadyang umabot sa mahigit dalawang piso ang dagdag sa kada litro ng diesel.
Nananatiling dismayado si Macailao sa mga kumpanya ng langis na aniya’y hindi man lamang ikonsidera ang kalagayan nilang nasa sektor ng transportasyon.