Susubukin ng bayan ng Bulan na mapabilang sa Guinness World Record sa pamamagitan ng aktibidad ng pinakamahabang ihawan ng isdang tamban o lawlaw.
Ayon kay LGU Bulan Executive Secretary Recto Valeriano, ang pagtatangka na masungkit ang nasabing record ay gagawin sa Mayo 27 sa loob ng isang buwang selebrasyon ng kanilang town fiesta.
Labing-apat na kilometro ang magiging haba ng ihawan na magmumula sa sentro ng bayan hanggang sa boundary nito sa mga bayan ng Matnog at Irosin.
Lalahukan naman ito ng 20 mga barangay sa south at north coastal areas, gayundin ng lahat ng mga grupo at fisherfolks organization mula naman sa 43 mga barangay.
Ang aktibidad ay pamamaraan din ng LGU upang higit pang maipakilala ang bayan ng Bulan at mas mapalakas pa ang turismo sa lugar.
Inaasahan naman na 500 fish tub o banyera ng isdang tamban ang kakailanganin sa nasabing aktibidad.
