Nagkasundo ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang mga salt producers sa Zambales na palakasin ang industriya ng lokal na asin sa lalawigan.
Ito ay makaraang bisitahin ng personal ng BFAR Regional Director ang mga mag-aasin sa mga bayan ng Iba, Botolan at Palauig na minsan nang nagpahayag ng sintimiyento dahil sa kawalan ng suporta mula sa gobyerno.
Ayon kay BFAR Region 3 Dir. Wilfedo Cruz, dalawa sa mga negosyante ang tutulungang maging producer ng rock salt gamit ang modernong paraan para mabawasan ang gastos mula sa pag-aangkat mula Pangasinan bago gawing iodized salt.
Isa naman sa mga ito ang hahanapan ng source ng sariling asin mula sa refinery site para makapag-produce ng asin at hindi umasa sa imported salt mula Australia.
Matatandaan, naging mainit ang talakayan sa Senado mula nang matuklasang 97% ng asin sa bansa ay imported habang ang mga salt farmers sa bansa ay hindi nakatanggap ng suporta sa mahabang panahon.//Christian Andres-BNFM OLONGAPO
