BI, natuklasan ang bagong online scam na nambibiktima ng mga dayuhan

Napag-alaman na ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong online scam kung saan ang mga dayuhan ay naengganyo ng mga mapanlinlang na entry visa na nagkakahalaga ng P20,000.

Kaugnay nito ay naglabas ng advisory si BI Commissioner Norman Tansingco sa publiko, laban sa mga walang prinsipyong indibidwal na nagpapanggap na nagbibigay ng mga serbisyo para sa visa na inaprubahan ng umano ng ahensya.

Ayon kay Tansingco, ang mga scammer ay gumagamit ng mapanlinlang na taktika sa pamamagitan ng paggamit ng mga official logo ng BI, at nagpapanggap bilang mga kinatawan mula sa Konsulado ng Pilipinas sa Australia.

Dahil dito nakipagtulungan na aniya ang BI sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) dahil ang partikular na scam na ito ay saklaw ng cybercrime.

Umapela rin ang opisyal sa mga dayuhang indibidwal na nagnanais na bumisita sa Pilipinas na iwasang makipag-ugnayan sa mga scammer at sa halip ay kumuha ng kanilang entry visa sa pamamagitan ng mga opisyal na channel ng embahada o konsulado ng bansa.

Sa huli, hinikayat ni Tansingco ang publiko na kaagad mag-report sa BI at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, sakaling mabiktima ng mga online scams.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *