Bilang ng COVID-19 patients na inaadmit sa BRTTH, tumaas

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na tumataas ngayon ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 na naka-admit sa nasabing ospital.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay BRTTH Head, Dr. Eric Raborar, sinabi niya na sa ngayon ay 26 na mga pasyente ng nasabing sakit ang admitted, habang ang anim dito ay nasa ICU.

Ito umano ang pinakahuli nilang update, at araw-araw nilang mino-monitor subalit nakikitaan talaga ito ng pagtaas.

Samantala, inihayag naman ni Raborar na bilang Department of Health-based na ospital, mahigpit nilang ipinatutupad ang protocol sa pagtitest nang mabilisan at confirmatory na hindi ginagawa sa ibang mga pribadong ospital.

Ito ang kanilang pagtitiyak sa publiko matapos na ilan sa mga tao ang nagdududa sa serbisyong kanilang ibinibigay sa mga pasyente lalo na pagdating sa nasabing sakit.

Sabi ng ilan, sa pribadong ospital na lamang nila dadalhin ang kanilang pasyente dahil kung sa BRTTH, siguradong COVID-19 ang magiging resulta.

Aniya, ang kanilang mga isinagadawa ay pagsunod sa kautusan ng DOH pagdating sa COVID-19 testings sa mga pasyente.

Siniguro naman ni Raborar na hindi nababawasan ang emergency response ng kanilang ospital at hinding-hindi madedelay ang treatment, ngunit nahihiwalay lamang kaagad sa ibang mga pasyente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *