Bilang ng mga naitalang kaso ng COVID- 19 sa Camarines Norte bumaba noong nakaraang linggo

CAMARINES NORTE- Bumaba noong nakaraang linggo ang mga naitalang kaso ng COVID- 19 sa lalawigan ng Camarines Norte o mula December 18 hanggang 24.

Sa datos ng Deparment of Health nakapagtala ang lalawigan ng labing isang bagong kaso na mula sa mga bayan ng Jose Panganiban, Mercedes, Paracale, San Lorenzo Ruiz at Vinzons na pawang mayroong dalawang kaso.

Isang panibagong kaso naman ang naitala sa bayan ng Labo.

Mas mababa ito kumpara sa mahigit 90 at 50 noong mga nakaraang mga linggo.

Dahil naman sa galaw ng mga tao at kaliwa’t kanang pagtitipon- tipon bunsod ng mga Christmas party, pinangangambahan ang pagtaas na namang muli ng mga kaso nito sa susunod na mga araw o pagkatapos ng holiday season.

Sa kabila nito, una nang tiniyak ng Provincial Health Office ang kahandaan ng mga pasilidad partikular ang Camarines Norte Provincial Hospital.

Gayunman, huwag naman daw sana itong matulad sa nakalipas na dalawang taon kung saan napuno ang mga ospital at na- infect ng virus ang mga health worker.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *