Bilang ng rape cases sa Cauayan City ngayong taon, tumaas

Tumaas ang bilang ng naitatalang kaso ng panggagahasa ngayong taon sa lunsod ng Cauayan.

Isa sa nakikitang dahilan ay hindi paglabas ng mga bata dahil sa quarantine restrictions na umiiral ngayong pandemya.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan ka PLt. Scarlette Topinio, ang tagapagsalita at WCPD Chief ng PNP Cauayan, kumpara sa 7 kaso na naitala mula January-May 2020 ay mas mataas umano ang bilang ng kaso ng panggagahasa sa mga menor de edad kung saan nasa 10 kaso na ang naitala simula Enero hanggang Mayo ngayong taon.

Aniya, ang pinakabatang biktima ay nasa 11 anyos habang ang suspek ay 60 anyos.

Batay umano sa datos ng WCPD, kadalasan na suspek sa panggagahasa ay mga kamag-anak ng bata, kalaro o kapitbahay lamang.

Ilan aniya sa nakikitang dahilan ay ang hindi maaaring paglabas ng mga bata kung saan ipinagkakatiwala ng magulang sa kanilang kapitbahay o kapamilya ang pag-aalaga rito.

Habang may naitala rin na ang ama mismo ang nanggahasa sa menor de edad dahil mayroong pagkakataon na katabi nito ang kaniyang anak na mga babae sa pagtulog.

Paalala pa ni PLt. Topinio, upang maiwasan ito ay huwag ipagkatiwala agad ang mga anak sa ibang tao at bigyan ng privacy ang mga anak na babae sa tahanan lalo na aniya ang mga nagdadalaga.

Hinikayat naman nito ang mga nakakaranas ng sexual na pang-aabuso na huwag matakot magsumbong sa VAWC desk ng barangay o mismong sa himpilan ng kapulisan.

Samantala, tiniyak naman ni PLt. Topinio na filed cases lahat ng mga naitalang kaso ng panggagahasa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *