BILANG NG TRAFFIC VIOLATORS NABABAWASAN DAHIL SA PALAGIANG OPERASYON NG PNP HPG

CAMARINES NORTE- Nababawasan na umano ngayon ang mga lumalabag sa traffic code dahil sa regular na operasyon ng Philippine National Police Highway Patrol Group, Land Transportation Office at local traffic enforcers.

Ito ang obserbasyon ngayon ng HPG na isa umanong magandang indicator na natututo nang sumunod sa batas ang mga motorista dahil hindi na umano gaanong marami ang kanilang nahuhuli.

Kahapon ay nagsagawa ng operasyon ang HPG  katuwang ang traffic enforcers ng Daet sa Mercedes road at Daet-Basud boundary.

Dito ay umaabot sa 59 na violation ticket ang inisyu sa mga motorista, 11 Temporary Operators Permit (TOP) at 48 Traffic Capitations ticket.

Tulad ng dati karaniwang violation pa rin ay ang hindi paggamit ng seatbelt, paggamit ng hindi otorisadong helmet at iba pa.

Naging partikular din ang operating team sa mga accessories ng sasakyan kung gumagana ba ito o hindi tulad ng tail lights at signal lights.

Paalala ng mga awtoridad na huwag ipagwalang bahala ang mga ganitong bagay para na rin sa kaligtasan ng lahat.

May mga ilan namang binigyan lang ng warning.

Mababatid na bukod sa lingguhang One Time Big Time Operation ay araw- araw ding nagsasagawa ng Oplan Sita ang HPG sa iba’t- ibang bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *