Billing rates ng kuryente para sa Hulyo na babayaran ngayong buwan bumaba

CAMARINES NORTE – Inanunsiyo ng Camarines Norte Electric Cooperative na bahagyang bumaba ang billing rates para sa July 2021 na babayaran ng mga kunsomidores ngayong buwan.

Ayon sa naturang kooperatiba ng kuryente dahil ito sa pagbaba ng Generation Charge ng Php0.0079 per kWh na resulta naman ng bahagyang pagtaas ng average supply margin sa 12% (252MW) kumpara sa nakaraang buwan.

Dahil ito sa pagsisimula ng panahon ng tag-ulan kung saan bumababa ang average demand sa kuryente.

Ang Generation Charge ay nagbabago kada buwan dahil apektado ito ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.

Bumaba rin ang Transmission Charge ng Php0.1552 per kWh dahil sa mas mababang average transmission rate sa billing ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at ang System Loss ng Php 0.0204 per kWh; gayundin ang Lifeline Subsidy ng Php0.0001 per kWh.

Ang residential rate ay Php10.5165 per kWh na lamang kumpara sa Php10.6891 per kWh noong nakaraang June 2021 billing.

Habang ang low voltage rate ay Php9.5629 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php8.1073 per kWh o nagkaroon ng pagbaba na nasa Php0.1726 per kWh.

Sa kabilang dako, tumaas naman ang GRAM/ICERA at VAT Charges ng Php0.0109 per kWh.

Ang ilan sa mga components ng billing ay pass-on charges lamang at inireremit ng CANORECO buwan-buwan sa mga power supplier gaya ng Aboitiz Power Renewables Inc. (APRI) at WESM, sa transmission utility na NGCP, at sa government corporations/ agencies gaya ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *