Binabantayang LPA, nakapasok na sa PAR

Nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa may bahagi ng Mindanao.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 925 kilometro silangan ng Southeastern Mindanao, ngunit mababa ang tiyansang madevelop ito bilang ganap na bagyo.

Ang trough ng LPA ang magdadala ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa bahagi ng Davao Region, Soccksargen, Caraga, Eastern Visayas, at Palawan.

Ito rin ang makaaapekto sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao na siya namang makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan.

Makararanas naman ng maulap na papawirin na may kasamang mga pag-ulan sa bahagi ng Cagayan Valley, Ilocos Norte, Apayao, Abra, Kalinga, Aurora, Quezon, at Bicol Region dulot ng Hanging Amihan.

Dahil sa mga naturang weather system, maging handa sa mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa kung minsa’y katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan. Samantala, magkakaroon naman ng katamtaman hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang mahihinang pag-ulan sa bahagi ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila, dahil pa rin sa Amihan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *