Binata, patay sa vehicular accident sa Alicia Isabela

Dead on arrival sa pagamutan ang isang binata matapos makabanggaan ang lulang motorsiklo ang isang sasakyan sa Brgy. Sta. Cruz, Alicia, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Alicia Police Station, kinilala ang nasawi na si Jan Jan Baldevarona, 23-anyos, at residente ng Brgy. Castillo, Angadanan, Isabela.

Habang kinilala naman ang tsuper ng Honda Civic na may plakang PQC 298 na si Mario Rapisora, 55-anyos, may asawa, at residente ng Centro 1, Angadanan, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ni Baldevarona lulan ang motorsiklo nito ang timog na direksyon patungong bayan ng Alicia habang binabaybay naman ng Honda Civic ang kasalungat na direksyon patungo sa Angadanan, Isabela.

Nang marating ang pinangyarihan ng insidente ay kumaliwa ang motorsiklo dahilan upang mabangga ng paparating na sasakyan.

Nagtamo ng sugat sa katawan si Baldevarona na isinugod pa sa pagamutan subalit binawian din ng buhay habang wala namang tinamong pinsala si Rapisora.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ang PNP Alicia si Rapisora at posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *