Binatang nagnakaw ng manok na panabong at baril, huli sa Legazpi City

Hindi na nakapalag pa ang isang binata matapos mahuli ng kapitan at residente sa Brgy.33, Penaranda, Legazpi City dahil sa pagnanakaw ng manok na panabong at baril.

Kinilala ang suspek na si alyas “Jomar”, 26 anyos, residente mula sa Tabaco City, at kasalukuyang naninirahan sa Purok 2, Barriada, Brgy. Gogon, lungsod ng Legazpi.

Ayon sa report, bandang alas 10 ng umaga, habang naglalaba ng damit sa labas ng kanilang tirahan ang isang alyas “Antonette”, Grade 10 student, residente ng Brgy. San Roque ng kaparehong lunsod, nakita niyang mula sa loob ng kanilang bahay ay tinangay ng suspek ang manok inilagay sa supot ng bigas.

Maliban pa rito, kinuha pa ng suspek ang isang shot gun na nakalagay sa ibabaw ng kanilang mesa.

Dahil dito, tinawag niya ang kanyang kapatid upang humingi ng tulong sa kanilang tiyahin na siya namang humingi ng saklolo sa kanilang barangay kapitan.

Sinundan ng mga ito ang suspek habang ito ay tumatakas patungo sa direksyon ng San Roque Welcome Arc at nahuli rin.

Narekober sa kanya ang isang  manok, gaffs na may scabbard, shot gun caliber at marami pang iba.

Sa ngayon ang suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *