Binatilyo, arestado matapos mahulihan ng armas at droga sa Lipa City, Batangas

Arestado ang isang binatilyo matapos mahulihan ng baril at iligal na droga sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Brgy. Sabang, Lipa City, Batangas.  

Kinilala ng Lipa City Police Station ang suspek na si Rocky Adaya y Navarro, 31 anyos, isang construction worker at residente ng Lynville Subdivision, Sona, Brgy. Sabang ng naturang lungsod.

Batay sa report, sa bisa ng search warrant ay ikinasa ng Lipa CPS ang naturang operasyon bandang alas-4:15 ng umaga, Disyembre 19, 2022 matapos magpositibo sa iligal na gawain ang suspek batay sa isinagawang surveillance operation ng mga pulis.

Ayon sa report ni P/Lt. Col. Ariel Balisi Azurin, Chief of Police ng Lipa CPS, walang maipakitang mga legal na dokumento ang suspek sa nakumpiskang kalibre 38 revolver, mga bala at drug paraphernalia.

Nakumpiska rin mula sa suspek ang tatlong pakete ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na humigit-kumulang 5 gramo at nagkakahalaga ng P34,500.00.

Nahaharap ito ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002

Kasalukuyang nasa kustodiya ng naturang police station ang naarestong suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *