Bishop Alarcon hinimok ang publiko na magpabakuna kontra COVID- 19

CAMARINES NORTE – Hinimok ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang publiko na magpabakuna kontra COVID- 19.

Yan ay sa gitna pa rin ng nararamdamdamang takot at pag aalinlangan ng marami sa posibleng masamang epekto ng bakuna sa kanilang kalusugan.

Sa mensahe ng pagtatapos ng kaniyang misa sa kapistahan ng Poong Nazareno ng Capalonga nitong Huwebes, hinikayat ni Alarcon ang lahat na magpabakuna para na rin sa pangangalaga sa sarili at sa kapwa.

“Batid  kong marami ang natatakot, lalo na ngayon for senior citizens at may comorbidities pero ako personally , I encourage you to take the vaccine,” ani Alarcon.

Ayon sa Obispo kailangang magkaroon ng herd immunity dahil ayon umano sa mga eksperto ay mabisang panlaban ang bakuna kontra COVID- 19 anu pa man ang lebel ng efficacy nito.

Ang importante aniya ay huwag tamaan ng sakit o kung magkaroon man ng COVID ay hindi ito hahantong sa malalang sitwasyon.

Pinag iingat rin ng Obispo ang publiko sa mga misinformation na lumalabas ngayon.

Mababatid na nagsimula na rin ang pagbabakuna sa mga senior citizen at may co morbidities ngayong buwan dito sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon sa Department of Health (DOH) nasa 9, 710 na ang nabakunahan sa lalawigan na karamihan ay mga nasa frontline service.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *