Balik na sa normal ang biyahe ng barko sa Port of Batangas sa Batangas City.
Sa panayam ng Brigada Batangas sa Coast Guard Station Batangas, simula pa raw alas-8:00 ng umaga kahapon, naibalik ang biyahe ng mga pampasaherong barko sa pantalan.
Gayunman, hindi pa rin pinapayagang pumalaot ang mga maliliit na sasakyang pandagat kagaya ng mga bangka dahil sa nakataas na gale warning.
Nabatid na aabot sa mahigit 300 pasahero ang na-stranded sa labas ng pantalan at sa Batangas City Grand Terminal matapos mawalan ng byahe.
Kinupkop naman sila ng pamahalaang lungsod at pamahalaang panlalawigan ng Batangas at dinala sa mga evacuation center.