Biyahe ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa Camarines Norte pansamantalang sinuspinde ng Coast Guard ngayong araw dahil sa LPA

CAMARINES NORTE- Pansamantalang sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng mga maliliit na bangka sa lalawigan ng Camarines Norte ngayong araw.

Dahil ito sa Low Pressure Area na namataan ng Pagasa kaninang alas- 3 ng madaling araw sa layong 70 km North Northwest ng Virac, Catanduanes o 100 km silangan ng Daet.

Batay sa Notice to Mariners na ipinalabas kaninang umaga ni LTJG Rey Pabico, Acting Commander ng Coast Guard Camarines Norte, ipapatupad ang temporary suspension of voyage simula ngayong araw, Hunyo 27, para sa mga sasakyang pandagat na 250 gross tons pababa bilang proactive measure.

Ito umano ay upang maiwasan ang mga maritime incident na maaaring mangyari.

Maaari umanong payagan muli ng Coast Guard ang pagbiyahe ng mga bangka kapag gumanda na ang panahon at sea condition.

Ayon kay Pagasa Daet weather specialist Anjanette Ebron mababa naman ang tiyansa  na maging ganap na bagyo ang LPA sa susunod na 24 hanggang 48 oras.

Gayunman asahan umano ang maulap na kalangitan ngayong hapon na may kalat- kalat na pag ulan pagkidlat at pagkulog.

Posibleng ganito rin ang panahon sa susunod na dalawang araw at pagkatapos nito ay magkakaroon na umano ng improvement ng weather condition.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *