Biyahe ng pampasaherong bangka sa bayan ng Mercedes pinayagan na ng Coast Guard kaninang umaga pero mga mangingisda bawal pang pumalaot

CAMARINES NORTE- Pinayagan nang bumiyahe ng Philippine Coast Guard ang pampasaherong bangka sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte simula kaninang umaga dahil sa unti- unting pagbuti ng lagay ng panahon.

Dalawang araw na suspendido ang biyahe ng bangkang Mercedes to Manguisoc bunsod ng hindi magandang lagay ng panahon dahilan para maapektuhan ang daan- daang pasaherong sumasakay dito kada araw.

Dahil dito ang mga nai- stranded na pasahero ay inihahatid ng MDRRMO vehicle na kinakailangan pang umikot sa bayan ng Basud.

Nag deploy naman ng personnel ang Coast Guard sa Mercedes port para masigurong ligtas ang mga pasahero.

Hindi rin inaalis ang posibilidad na muling suspendihin ang biyahe ng pampasaheorng bangka kung sakaling hindi na naman maganda ang lagay ng panahon.

Gayunman hindi pa rin pinapayagang pumalaot ang mga mangingisda lalo na ang mga bangkang 250 gross tons pababa.

Dahil ito sa gale warning na patuloy na nakabandera sa karagatang sakop ng Camarines Norte.

Asahan naman ang unti- unting pagbuti ng lagay ng panahon simula mamayang hapon.

Ayon kay Pagasa Daet weather specialist Melissa Garamay apektado pa rin ng shear line ang lalawigan na nagpapaulan simula pa noong linggo.

Magtutuloy- tuloy umano ang mahihina hanggang katamtamang pag ulan ngayong weekdays pero hindi na ito katulad kahapon.

Posibleng magandang panahon naman ang sumalubong sa weekend o sa kapaskuhan.

Isang bagyo pa ang posibleng pumasok sa bansa bago matapos itong taon.

Nasa 70 hanggang 80 percent aniya ang posibilidad na pumasok ito sa bansa at dadaan sa Bicol Region na papangalanang Samuel.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *