Magpapatupad ang Bureau of Corrections (BuCor) ng cashless policy o pagbabawal sa paggamit o pagdadala ng pera sa lahat ng kanilang kulungan at penal farms simula Setyembre.
Ito’y kasunod sa mga ulat na natatanggap ng BuCor na ilang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ang gumagamit ng pera para sa ilegal na aktibidad.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. dapat matigil ang ilegal na kalakaran kaya ipapatupad ang cashless zone sa lahat ng bilangguan at penal farms.
Dagdag pa ni Catapang, maging ang mga correction officers (CO) na itatalagang magbantay sa security compound ay hindi rin papayagan na magdala ng pera.
Aniya, ang nakumpiskang pera mula sa mga PDL ay ide-deposit sa trust fund ng mga inmate; habang ang nakuhang pera naman sa mga CO ay mapupunta sa trust fund ng mga empleyado.