BuCor OIC Catapang: Lalabas pa ang baho ni Bantag

Niluluto na ngayon ni Bureau of Corrections officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. ang paghahain ng mas maraming kaso laban kay suspended BuCor director general Gerald Bantag.

Ginawa ni Catapang ang pahayag isang araw matapos ang napaulat na ‘di umano’y pagsaksak ni Bantag sa dalawang mga persons deprived of liberty.

Sa isang panayam, sinabi ng kasalukuyang hepe ng BuCor na matagal na raw palang iiniinda at tinatago ng dalawang mga PDLs ang naturang insidente, ngunit ngayon lamang sila nagkaroon ng lakas ng loob para isiwalat ito sa publiko.

Ngayong Biyernes daw ay posibleng isampa na nila ang mga kasong torture at mga reklamong paglabag sa karapatang pantao laban sa suspendidong BuCor chief.

Maliban pa rito, hiwalay na kasong plunder pa ang ihahain nila kay Bantag.

Hinggil ito sa ‘di umano’y pagkakasangkot ni Bantag sa pandaraya sa pondo ng Gobyerno.

Sa huli, nangako si Catapang na bago raw matapos ang taon ay mas marami pang baho ang lalantad mula sa pinalitang niyang liderato sa national penitentiary.

Sabi ni Catapang – mananagot at mananagot si Bantag sa lahat ng mga anomalyang nangyari sa ilalim ng kanyang pamumuno sa BuCor.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *