Bulkang Mayon, nakapagtala ng 2 volcanic earthquakes ngayong araw; tigdalawang pagyanig at rockfall events, naitala rin kahapon

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakapagtala ang bulkang Mayon ng dalawang mga pagyanig o volcanic earthquakes batay sa 24 nitong monitoring.

Sa tala ng tanggapan, nagkaroon ito ng mahinang banaag o crater glow na nakita gamit ang isang teleskupyo.

Dagdag pa rito, nagkaroon din ito ng katamtamang pagsingaw na napadpad sa silangang bahagi nito.

Gayundin naman, kahapon ay naitala rin sa bulkan ang tigdalawang mga pagyanig at rockfall events, na may mahina ring banaag at katamtamang pagsingaw na may 500 metrong taas nanapadpad sa hilagang-silangang bahagi.

Samantala, patuloy pa rin ang pamamaga ng bulkan na indikasyon ng pagiging abnormal ng mga aktibidad, kung kaya’t nananatili sa alert level 2 ang status nito at paalala ng PHIVOLCS, huwag magpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa crater nito upang maiwasan ang anumang panganib dulot ng mga abnormalidad nito at iwasang lumapit sa permanent danger zone.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *