Camarines Norte wala ngayong kaso ng Leptospirosis, pero panibagong kaso ng COVID- 19 naitala makaraan ang isang buwan

CAMARINES NORTE- Nagpalabas ng abiso ang Department of Health Bicol nitong Huwebes, Pebrero 9 kaugnay sa mga paraan para makaiwas sa leptospirosis.

Kaugnay naman nito ay nilinaw ni DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola na walang kaso ngayon ng leptospirosis sa Camarines Norte batay sa mensahe nito sa Brigada News FM Daet.

Ayon sa ahensiya kaya itong iwasan sa mga tamang paraan tulad ng pag iwas muna sa putik at tubig baha lalo na ngayong nasa panahon pa rin ng tag ulan ang rehiyon dahil sa amihan.

Ang leptospirosis ay sakit na nakukuha mula sa “leptospira” bacteria na galing sa ihi ng daga at iba pang hayop tulad ng kabayo, kambing, aso, baboy at iba pang hayop.

Kadasalang humahalo ang ihi ng mga hayop sa tubig baha at putik na pumapasok sa mga sugat o bitak ng balat, mata ilong at bibig ng tao kapag lumusong sa baha ng walang proteksyon.

Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ay ang lagnat, pananakit ng kalamnan, pagtatae, mapula- pulang mga mata sa ilang mga kaso, panginginig, sakit ng ulo at pantal.

Kung hindi maagapan ay maaaring humantong ito sa pinsala sa atay, hirap sa paghinga at pagkamatay.

Payo ng DOH na ugaliin ang tamang pagtatapon ng basura dahil kadalasan sa maruruming lugar naninirahan ang mga daga.

Iwasan ang paglusong, paglalaro at paglangoy sa tubig baha lalo na kapag may sugat.

Kung hindi maiiwasang lumusong sa baha ay ipinapayo ang paggamit ng bota lalo na kung may sugat.

Hugasan ng malinis na tubig at sabon ang mga paa pagkatapos lumusong sa baha.

Panatilihin ang kalinisan ng bahay at alisin ang mga maaaring pamahayan ng daga at iba pang peste at maaari ding gumamit ng rat traps o lason sa daga.

Noong 2020 ay nakapagtala ang Camarines Norte ng anim na kaso ng Leptospirosis simula January 1 hanggang November 14.

Noong panahong yun ay pangatlo ang lalawigan sa may pinakamaraming naitalang kaso.

Pero kung wala ngayong kaso ng leptospirosis sa lalawigan kapwa kinumpirma naman sa Brigada News FM Daet ng DOH at Provincial Health Office na may isang panibagong kaso ng COVID- 19 ang naitala makaraang ang isang buwang walang kaso.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, ang bagong kaso ng COVID- 19 sa lalawigan ay mula sa bayan ng Talisay at wala umanong sintomas ang pasyente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *